Waring orakulong nagwika si Carlo. "Alam mo, balang-araw, magigising kang isa nang halaman," tugon nito sa huling
blog entry niya. Hindi niya ito nakikita, hindi naririnig, ngunit buo ang tinig. Si
Carlo Paulo Pacolor Garcia ay isang baklang bully, kuwentista, mandudula, at direktor at aktor sa entablado, nakikilala niya sa isang samahan ng mga manunulat at dibuhista noong kolehiyo. Mas tinuring niya itong dalubhasa kaysa kaibigan, at malaki ang naibahagi nito sa kanyang paglago bilang isang nagsisimulang magsulat. Hindi na kaiba sa kanya ang isang baklang bully; bakla din ang bully na tiniis niya noong high school. Hindi na din bago ang maiugnay siya sa isang halaman: "Isa kang halaman," sabi ng mahadera at mahilig mangaral na si
Ryan, ang baklang dorm mate niya, tatlong taon na ang nakararaan, nasa ikatlong taon siya ng kolehiyo. "Walang mangyayari sa'yo. Dinadaan-daanan ka lang." Malinaw ang kanyang haraya ng pagsapit ng araw na nakasaad sa blog comment ni Carlo. Kung abutan man siya ng pagkakataong iyon sa sleeping lounge ng call center kung saan siya namamasukan, magugulantang ang mga nagsisipaggising niyang kaopisina, maging ang katiwalang panayan ang dating upang magsinop ng silid, kapag nakita nilang nababalot ang isang La-Z-Boy recliner ng mga naglalakihang baging at sanga ng luntian at kayumanggi niyang katawan, kung saan nagsipagtubo ang mga pakô, kabuti at taingang-daga, at pinamamahayan ng mga alupihan, langgam, palakang-kahoy at suso, habang pinadadaloy ng aircon ang samyo ng lumot, ugat, balat-kahoy, at sariwang dahon upang punuin ang kanilang mga diwa ng malalayong alaala ng gubat ng saunahin nilang kahayupan. Matitigilan ang makabago at antiseptiko nilang gusali na walang ibang pinahihintulutang organiko liban sa mga makabago at antiseptikong tao. Magiging masaya din sana ang pamumulaklak paglaon, bagaman tiyak na makakantiyawan siyang malandi ni Carlo kapag nakaabot ang balita dito. Kung sa silid-tulugan nilang mag-anak naman sa Tarlac niya sapitin ang tadhanang iyon, tatambad sa kanyang ina isang umaga ang dambuhalang halaman sa kanyang kama at kasunod ang palahaw nitong batbat ng hapis at sindak. Marahil ay ililipat siya ng ina sa lupa, kapag sa wakas ay nanumbalik na ang katinuan nito at natanggap na ang sinapit ng anak. Bubuo ito ng isang hardin para sa kanya na pagkakaabalahan nito tuwing umaga at hapon. Kung may magawi mang reporter o mga dating kaibigan, malugod silang tatanggapin ng kanyang ina. Tangan ang dulos at pandilig, ihahatid nito ang mga nakikiramay sa kanya: "Halikayo, ito na siya. O, anak, nandito mga kaibigan mo, binibisita ka." Ngunit palasak na din maging ang larawan ng nasabing pagbabagong-anyo; napanood na niya iyon sa "Bachelorette" ni Björk at sa
"Mad About You" ng Hooverphonic, at naisulat na din ni Abe Kōbō sa "Dendorokakariya." Iba't iba man ang kanilang mga paraan, mailalagom lamang sa tatlo ang kanilang hiwatig: pagpaloob, pagkaagnas, pagkalipol. Noon pa man, wala na siyang ibang higit-naisin kundi ang mabuhay, at batid niyang hindi kailanman naging sapat ang madalas niyang pakikipagtalik upang maramdaman ang sidhi ng maging tutuong buhay. Maging mga bulati, aniya, palagian kung magniig. Habang tumatagal, may kung anong sumasaid sa kanyang lakas, tila lumiliit ang kanyang daigdig, tila umuunti ang mga maaaring pagpilian. Sa trabaho at pagtulog nahahati ang paggugol niya sa mga araw, at nagkakasya na lamang siya sa pagsusurf sa net ng mga tula, larawan at instalasyon, at mga bagay-bagay tungkol sa likas na kasaysayan, sa pagbabasa ng
A Basic Book of Amphibians, sa panghuhuli ng maliliit na hayop na ilalagak sa vivarium, at sa paminsan-minsang pakikipagkita sa mga kaibigan o sa pagsama sa mga palihan ng kanilang samahan. Hapon nang ikasal sa huwes ang nakatatanda niyang kapatid sa ama. Inanyayahan siyang dumalo kinagabihan sa salu-salo ng lutong lamandagat bilang pagpapasinaya sa bagong mag-asawa. Isang kainan iyon sa may dalampasigan sa likod ng Mall of Asia. Naroon ang nakababatang kapatid niya, ang iba pang mga kapatid niya sa ama, mga pinsang matagal nang hindi nakasama, mga asawa ng mga kapatid at pinsan, mga pamangkin, at mga kaanak ng kanyang hipag. Nagtungo siya sa seawall ng Manila Bay upang magpahangin matapos ang hapunan, yaman din lamang na abala ang lahat sa bidahan at retratuhan. Sa kanyang paglalakad patungong dagat, nasumpungan niya ang maliliksing pulutong ng mga tila insektong kulay-abo, nasa tigtatatlong sentimetro ang haba bawat isa, mga nagsikalat at nagsisigapangan sa sementadong daan, may mga naglalabasan mula sa mga siwang ng imburnal, at marami ding nagsisiakyatan pa lamang sa kongkretong harang ng dagat buhat sa kanilang pagkakahimbing sa dalampasigan. Agad niyang nakilala ang mga
ipis-dagat nang tuluyan siyang makalapit, habang nahahawi ang kanilang kawan sa palibot ng kanyang mga paa sa tuwing tatapak siya sa lansangan. Bawat isa ay mayroong mga itim at bilugang mata, pitong pares ng paa at dalawang mahahabang antena, at nababalot ng mga pútol ng baluti sa likuran. Namamahay sila sa mga lunang-humod sapagkat humihinga sila gamit ang hasang, ngunit walang mga kakayahang mabuhay sa tubig. Nang marating niya ang seawall, dinungaw niya ang baybay-dagat at doon sa ibaba, natagpuan niyang nakahandusay ang bangkay ni Carlo sa batuhang nabubudburan ng mga basura, sa gitna ng nagngangalit na paghampas ng maiitim na alon. Nababalot ang katawan nito ng napakaraming ipis-dagat. Nanginginain sila sa balat at laman nang may buong-taimtim, at bagaman malakas ang hangin at ang unday ng tubig nang mga sandaling iyon, nauulinigan pa din niya ang mga mumunting pagkagat nila, namumutiktik sa dilim.
Ligia oceanica, mas nauna niya pang naalala kaysa ang pagtakhan kung bakit narito sa Manila Bay ngayong gabi ang bangkay ni Carlo. Mga krusteysyang kabilang sa Orden Isopoda ang mga ipis-dagat, inapo ng mga naglahong trilobita, at malalapit na kamag-anak ng mga
singsing-pari, iyong mga kutong-lupang may kakayahang maghugis-bola at nanihirahan sa ilalim ng mga bato at mamasa-masang pook na kinagagapukan ng dahon at kahoy. Agad niyang dinukot ang cellphone mula sa bulsa at pinagtetext sina
Ade,
Camsy,
Joshua,
Marnelli,
Ica,
Miguel,
Mike,
Myka,
Princess,
Sofia,
Xenia: "Patay na si Carlo. Nandito bangkay niya ngayon sa Manila Bay. Hindi ako ang pumatay, promise, maging halaman man ako balang-araw paggising ko. Please pass." Ngayon, higit na nagmistulang sumpa kaysa hula ang mga binitawang kataga ni Carlo. Bago lisanin ang kainan sa dalampasigan at tuluyang magpaalam sa mga kaanak, nanghuli muna siya ng mga ipis-dagat hanggang sa mapuno ang isang maliit na supot pang-take-out. Sinadya niya ang gusali ng pinapasukang call center pagsapit ng hatinggabi ngunit hindi siya nag-login. Sa elevator, nilampasan niya ang ika-20 palapag kung saan siya nakatalagang tumanggap ng mga tawag mula Estados Unidos. Diretso siya sa kanyang locker sa ika-29 na palapag upang hakutin ang mga nakagarapong ahas, palakang bato, gagambang lobo, at lintang-kati. Isinilid niya ang mga iyon sa kanyang bag at dali-daling bumaba upang kubrahin sa ATM ang lahat ng natitira niyang pera. Nag-jeep siya pa-Cubao, naglakad patungong terminal at saka sumakay ng bus na biyaheng San Carlos. Pagdating sa Tarlac, bumaba siya sa
Siesta, nagtraysikel papuntang San Jose, doon sa tahanang inuupuhan nilang mag-anak. Panakaw niyang pinasok ang bakuran, inamo ang nakataling aso, inangat ang nakapasong fortune plant na nagkukubli sa susi ng bahay. Walang-ingay niyang binuksan ang pinto, marahang naglakad paloob, iniingatang hindi magising ang mga magulang. Inilawan niya ang paligid gamit ang flashlight ng cellphone hanggang sa marating ang kanyang vivarium. Isa-isa niyang inilagay dito mula garapon ang mga nahuling hayop, mula ahas hanggang ipis-dagat, at nang mailipat na ang lahat, inilapat niya ang takip at pinanood ang mga ito na pumanatag, umangkop at humalubilo sa panibagong paligid. Buong galak niyang pinagmasdan ang mga hugis, kulay, at marka ng sarisaring animales, ang pag-usbong ng iba't ibang halaman, ang pagkakahubog sa danyag, ang sapin-saping sangkap ng lupa, ang kaayusan ng mga kakatwang bato, patay na kahoy at banig ng mga nadurog na dahon at sanga, ang kaparaanan ng mga lagusan at yungib, ang anyong-tubig na dinadalisay ng mga tanim. Natitiyak niya ang pagyabong ng bawat organismong inilagak niya dito; mapupuno ng buhay ang mga pagitan ng apat na salaming dingding, magpapatuloy ito nang maraming taon nang wala siya, uunlad nang walang namamagitang iba, bilang daigdig na may kasarinlan, isang sistemang napapanatili ang sarili. Mag-iiwan sana siya ng sulat sa mga magulang bago umalis ngunit nagpasyang huwag na. Kumuha siya ng ilang malilinis na damit sa aparador bago niya sinimulang bumalik ng lunsod. Mahaba-haba din ang nalakad niya bago siya nakakuha ng traysikel na maghahatid sa kanya sa Siesta. Sa Cubao din siya sumakay ng bus biyaheng Quezon. Lubhang napakatagal nang biyahe, ngunit hindi niya nagawang matulog. Pinanuod lamang niya ang paglipad ng mga larawan sa kanyang bintana sa pagkaripas ng bus. Mahapdi na ang mga mata niya sa pagtama ng hangin. Nang sa wakas ay dumating sila sa Lucena Grand Terminal at dahil hindi pa din humuhupa ang dilim, nagpasya siyang sumakay ng isa pang bus, sa Legaspi naman ang tungo. Doon sa istasyon, bago tuluyang makaalis ang sinasakyan, nahagip ng kanyang tingin ang Lalaking may Pakpak, ang tauhang makailang-ulit pinairal ni Carlo sa mga akda nito. Nakaupo ang lalaki sa hintayan ng mga pasahero, naninigarilyo at may malayong tingin, nagkalat sa paanan ang mga hapo at patay na gamugamo, kantitit, kuliglig at maliliit na ipis at uwang. Matapos niya itong masdan nang mainam, hindi na niya nagawang itanggi na halos wala itong pinag-iba sa kung paano ito isinulat ni Carlo, mula pananamit hanggang kilos at tikas. Pinagtakhan niya kung kaano-ano nito si Eros, ang mga Brahmin ng Daimos, ang mga taong may pakpak na namalas ni Sinbad sa Indotsina sa ikapito nitong pagdaragat, ang mga tagapunlang-tamar na djinn ng Asirya, ang Dalagang-Bituin ng maraming alamat, ang mga lalaking may pakpak nina van Vogt at José Rivera, ang lalaking may pakpak ng mga Chayot sa pangitain ni Ezekiel, ang napakatandang lalaking may napakalaking pakpak ni García Márquez, o ang isa sa mga nakatalang nilalang sa
El libro de los seres imaginarios ni Borges. Gumaganap din kaya itong obhetong liminal at sumasagisag sa ilang konsepto, ngayong nasa tunay na buhay na ito at wala sa mga kinathang salaysay ni Carlo? Bago muling humithit, pumadyak ito nang dalawang ulit upang malaglag ang mga abong namalagi sa kupas na maong at saka pinasadahan ng kaliwang palad ang kanang brasong kinapitan ng mga insektong sinasamantala ang liwanag ng hintayan. Iyon na at tuluyan nang lumayo ang bus. Kung nabubuhay pa si Carlo ngayon, naisip niya, marahil masisiyahan itong malaman na nakita niya ang Lalaking may Pakpak, si Carlo na may buong-pagtitiyagang tinuruan siya kung paano lumikha ng mga tinuping tagak yari sa makukulay na pirasong papel. Nagpatuloy ang bus sa paglalakbay hanggang sa baybayin nila ang makitid at nagpapaliku-likong landas na mistula bagang ahas. Kay payapa ng matatarik na bangin, kay lamlam nang nabubuong buwan sa itim na langit na di-paglagusan ng tingin, walang-imik ang dagat sa pagkanaw sa di-masayod na dilim. Sabik na sabik na siyang salubungin ang umaga ng samu't saring bayan, ang bagtasin ang mga palengke't kabahayan, ang malasin ang mga palanyag, perya at karnabal, ang kilalanin ang sangkahayupan at sangkahalamanan ng bawat sukal, ang simsimin ang buhay na hitik sa pagkilos at pangyayari, ngunit sadyang napakahaba ng gabi, sadyang hindi maubos ang mga himpilan ng bus, walang pangalan ang mga alinlangan, sadyang walang hanggan ang mga daan.